Deadly Deadlines
White and Blue Opinion - Columns
Written by Maryknoll H. Magtira   
Friday, 07 December 2007

Chef d' OuvreNapakaraming bagay ang naglalaro sa aking isipan. Ang ilan ay nagtatago sa kasuluk-sulukan ng aking utak. Ang ilan nama’y malayang naghahabulan. Ngunit ang problema, ang ilan ay malakas na nagsisigawan. Ang problema kasi, sadyang napakahirap isatitik ang nilalaman ng iyong isipan. Napakahirap humanap ng karampatang salita na magpapalitaw sa larawan na nakaguhit sa iyong kamalayan. 

Magulo ang aking isipan, maliban sa isang bagay na malinaw kong nasisilayan at iyan ay ang katotohanang dalawampu’t apat na oras ang bumubuo sa isang araw. Ibig sabihin, dalawampu’t apat na pagkakataon ang ating kayakap upang isagawa ang nakatakda nating gawain araw-araw dahil katumbas ng bawat oras ay isang pagkakataon na dapat ay hindi masayang. At kung ano nga ba ang dahilang nakakubli kung bakit hindi natin magawang gugulin ng husto ang dalawampu’t apat na oras na nakalaan para sa isang araw, ay isang napakalaking katanungan na sadyang ayaw tuldukan. Ang resulta tuloy ay hindi natin maisakatuparan ang mga planong dapat sana ay tapos na.

Sa panahon ngayon, hindi na nakapagtataka na hindi natin matapos ang mga nakalaang gawain para sa isang araw, dahil ayon nga sa karamihan, “The given time is not enough eh.” Masyado tayong mareklamo lalo na kapag binigkas na ng ating mga propesor ang deadline ng walang tigil na mga requirements. Kaya naman kapag submission day na, handang handa na ang ating sarili upang magpakitang gilas ng katangi-tangi nating husay at talento- ang pagcra-cramming na kilala rin sa tawag na “rushing”. Sa katunayan, mahirap talaga magtrabaho isang oras bago ang deadline ngunit dahil sanayan lang yan at nakukuha sa masusing pag-eensayo, bihasa na tayong mga estudyante diyan. Sisiw na para sa atin ang makipagmarathon sa pamatay na oras. Astig na talaga ang mga tao ngayong henerasyon. Waring kaya nating gawin lahat ng imposible. Ngunit ang hindi natin alam na katumbas ng pagiging astig natin dahil sa husay nating mag-rush ay ang lantaran nating pagiging iresponsable. Malala pa dito, ang pagiging tamad.

Kung minsan, sadyang nakakabaliw isipin kung ano nga ba ang nakakamanghang misteryo sa likod ng mga “extension dates” na ating iprinoprotesta sa ating mga guro. Dahil nga ba sa kawalang konsiderasyon ng mga instruktor na kung magbigay ng deadlines ay parang umoorder lamang sa “menu” ng paborito nilang carinderia? O dahil napapadalas lang tayong atakihin ng pinakamalubhang karamdaman- ang walang humpay na katamaran? Kung ano man ang sagot isa lang ang sigurado ako. At iyan ay ang katotohanang mahirap magkaroon ng ganitong karamdaman dahil sabi nga nila, walang nabibiling gamot para dito. Ang masaklap pa ay unti-unti nagiging epidemya ang sakit na ito sa ating unibersidad at ang kadalasang tinatamaan ay ang mga estudyanteng mahilig mag “good time”. Nakakahiya mang aminin, ngunit waring pinapatunayan natin na ang dalawampu’t apat na oras na itinalaga ng Diyos sa loob ng isang araw ay hindi pa sapat para sa tapusin ang gabundok na mga projects, assignments at kung ano-ano pa.

Ano kaya ang mali kung isang oras pagkatapos sabihin ng mga propesor ang “deadly deadlines” nila ay sinisimulan na nating magcramming upang hindi na tayo malito pag dating natin sa bingit ng kamatayan. Kung tutuusin, totoo nga naman na nasa pagiging responsable lamang nating mga estudyante ang ikagiginhawa ng ating kalagayan. Wala sa mga propesor natin ang tunay na problema. Hindi rin dahilan ang dalawampu’t apat na oras kada araw. Sa kasong ito ang ating mga sarili ang siyang ang simpleng batas ng “time management”. Dahil wala ng iba kundi tayo lamang ang makakapagtalaga ng sapat na oras para sa ating mga gawain. May sarili tayong oras at may kanya-kanya rin tayong mga gawain. Ibig sabihin, hindi pwedeng i-badyet ni Pedro ang oras ni Juan sapagkat tanging si Juan lamang ang may kakayahang gawin iyon. Kaya naman kapag patuloy na tatamad-tamad si Juan ay huwag na siyang magtaka kung paggising niya sa umaga ay nakahilata na siya sa kangkungang puro putik.

May punto nga naman ang mga ilan na nagsasabing hindi madali ang magbadyet ng oras. Ngunit, hindi talaga ito sapat na dahilan sapagkat mayroon naman tayong tinatawag na simpleng lohika para dito- “trabaho muna bago ligaya”. Huwag kasing kaligtaan na ang buhay ay hindi puro gimik lamang. Hindi rin ito kasingdali ng overnight texting dahil sa mga unlimited na yan. Hindi rin kailangang umasa ka ng umasa sa mga bilyong –bilyong dalangin na sana ay may bagyong dumating para “no classes” nanaman. Kailangang isaalang-alang na kalakip ng buhay-estudyante ang mga nakakabangag na overnights at practices. Hindi rin maaaring mawala ang mga gradong namemeligro. At pwede ba namang mawala ang mga pressures na yan na naging bahagi na ng ilang taon nating pamamalagi dito sa apat na sulok ng unibersidad. Ganyan ang buhay, magkahalong announced at surprised quizzes. Huwag na tayong umangal .At ang pinakamabuti nating magagawa ngayon ay ang gugulin ang dalawampu’t apat na oras kada araw ng tama at mahusay upang makapaghanda sa mga inaasahan at hindi inaasahang pagkakataon.

Napakahalaga ng oras. Para itong load na kinakailangang sulitin bago mag-expire.

****

Sa puti’t bughaw-magpatuloy tayong maging matatag...Ma’am Janet S. Tibaldo, thank you for the wonderful learnings.To my beloved, stay with me my dear.

 

Comments (0)add comment

Write comment

busy