|
“Gusto mong malaman kung sino ako? Puwes, naririrto ang isang maitim na butong tinanim at tumubo sa sulok ng utak. Gusto mong ikuwento ko kung paano nagsimula ang lahat?”
Isang lalaking nabaldado. Isang asawang nawalan na ng pasensiya. At sa likod ng lahat, may isang maitim na buto na tumubo sa konsensiya. Nakakatawang isipin na sa dami ng kalaro na maaaring kalaruin ni Fidel, si Putim pa ang kanyang paborito. Si Putim na madalas manalo dahil hinahayaan niya itong manalo. Ang masama pa, sa tuwing matatapos ang paglalaro nila ng chess, ang haring pinanghahawakan ni Fidel ang palaging Ma-te. Bumuhay sa Ma-te Ang Ma-te ay kinatha ni Abel Molina. Isa itong pangteatrong likhang sining na nagtamo ng maraming parangal. Ang Ma-te (checkmate) ang grand Prize winner sa naganap na Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, One-act Play Category. Ipinapakita nito ang isang relasyong mag-asawa na nananalaytay sa pagitan ng isang paralisado at mahilig mag-chess na si Fidel at ng kanyang masipag na asawang si Brenda. Umiikot ang kwento sa panlilinlang na ginagawa ni Putim sa isipan ni Fidel. Si Putim ay ang kanyang konsensiyang nag-tutulak sa kanya na piliin ang maling desisyon at gawin ang bagay na hindi niya dapat gawin. Dito sa Baguio, ang Ma-te ay unang itinanghal sa Saint Louis Center for Culture and the Arts Theater (SLU-CCA) noong ika-4 at ika-5 ng Pebrero, taong 2007. Ito ay nagsilbing Theater play review material ng mga AB Communication students na kumukuha ng Acting and Directing noong taong iyon. Ang Ma-te ay nasa ilalim ng direksyon ni Ginoong Dan Rommel Riopay, CCA Drama at Stage Coordinator. Magkagayon, ang paggamit ng Tanghalang SLU sa dulang ito ay mayroong pahintulot mula sa may-akda. Sulyap sa Kwento Mula sa kadiliman, pupukaw ang isang maliit na liwanag sa sulok ng isang luma at bukbuking bahay. Dati ay may karangyaan ang bahay na ito. Ngunit ngayon, kahirapan na ang bumabalot sa bawat sulok ng bahay. Hindi lamang ang mga mga dingding ng bahay ang inaanay kundi pati na rin ang dapat sanang haligi nito. Naroroon si Fidel. Nakaupo sa wheel chair. Nakasuot pambahay. Nagbabasa ng libro. Nagiisa. Tanging kaharap lamang niya ay ang chessboard na nagsisilbi niyang libangan. Sa gitna ng kanyang pag-iisa ay tatambad ang isang nilalang. Si Putim, ang kanyang konsensiya, ang nagsisilbing kalaro niya sa chess. Kausap at sumbungan ng sama ng loob. Hindi siya nakikita ni Fidel ngunit naririnig at nararamdaman niya ito. Parang isang aninong taga-dikta sa naguguluhang isip ni Fidel. Taga-utos sa maling desisyon, taga-udyok sa nagdidilim na paningin, taga-usig sa nagbabagang damdamin ng mga kwento ng totoong pangyayari. Samantala, sa gitna ng kanilang pagtatalo ni Putim, darating si Brenda galing sa trabaho. Si Brenda ang masungit na asawa ni Fidel. Dahil sa hirap ng buhay, tinitiis niya ang pagkayod mag-isa at ang pagsisilbi sa kanyang baldadong asawa Ngunit, sawa na si Brenda sa kahirapan ng buhay at sa pagsisilbi sa asawang inutil. Sa kanilang pagtatalong mag-asawa ukol sa buhay, kahirapan, pagtitiis, pagsisisi at sa tsismosang kamag-anak, lalong naging kumplekado ang lahat. Kapwa sila nakapagdesisyon. Lilisanin na ni Brenda ang kahirapan ngunit sa pag-uudyok ni Putim kay Fidel, nangyari ang hindi inaasahan. Kinitil ni Fidel ang buhay ni Brenda gamit ang pigurin. Biglang bumalik ang lahat sa kadiliman… Mga piyesa ng Ma-te Sa ika- sampung theater season, ngayong taong ito ang Ma-te ay binigyang buhay nina Jodel Mark Kim Malaluan na gumanap bilang si Fidel, isang lalaking nabaldado habang patuloy na nilalamon ng kanyang maitim na konsensiya ang kanyang isipan . Kasama si Jhanthera Cyrryll Aqui na gumanap bilang si Brenda, ang asawa ni Fidel na unti-unti nang nauubusan ng pasensiya at pang-unawa dahil sa kapalarang sinapit nilang mag-asawa. Samantala si John Kevin Delos Santos naman ang gumanap bilang si Putim,ang konsensiya ni Fidel na kanyang nilikha upang magkaroon siya ng kalaro ng chess at makasama sa panahong siya’y nag-iisa. At si Michael Gary Oller ang boses na nagmula sa itaas. Sining ng Direktor Riyalismo ang ginamit na pamamaraan ng direktor upang mas lalong mabatid at maunawaan ng mga manonood ang masidhing mensaheng nilalaman ng palabas. Bawat salitang sinambit sa Ma-te ay maingat na pinili upang palitawin ang kabuluhang taglay ng bawat linyang ibinabato ng mga tauhan sa isa’t isa. Malinaw na ipinaliwanag ng direktor na ang mga balbal na salitang ginamit sa mga dayalogo ay nagpapakita lamang ng bahid ng katotohanan sa mundong ating kinabibilangan. Sinasalamin ng Ma-te ang masaklap na riyalidad na bumabalot sa makasalanang mundo ngayon. Ipinakita dito na bawat desisyong ginagawa ng isang tao ay nakakubli sa lihim na interes na kanyang tinataglay. Ayon sa director, ang Ma-te ay sadyang napakagandang obra maestra na may taglay na kakayahang hamunin ang abilidad ng kaisipan ng mga manonood upang pagnilayan ang bawat tagpo sa palabas na sumasalamin sa tunay na mga tagpo ng buhay. Pananaw ng mga Manonood Hindi maiiwasang makatanggap ng mga hindi kanais-nais na komentaryo ang palabas mula sa mga taga-panood lalo na ang usapin patungkol sa paggamit ng mga balbal na salita. Nakakagulat para sa ilan ang mga malulutong na pagsambit ng mga mura at bulgar na pananalita. Magkagayon, matagumpay pa ring naipamalas ng director at ng mga nagsipagganap na tauhan ang masining na paggamit ng mga salita. Naging malaya ang mga manonood sa kani-kanilang sariling interpretsyon. Bagay na nagpalitaw sa taglay na makabuluhang kagandahan ng palabas. Bilang karagdagan, ang mga manonood ay nabigyan ng magandang pagkakataon upang mas lubos na makilala ang kani-kanilang mga sarili at unti-unting mawari na ang bawat detalyeng nagaganap sa kanilang mga buhay ay produkto ng mga desisyon na ginagawa nila. Paano nama-te? Simple lang ang mensaheng nais na ipabatid ng Ma-te: dalawa ang anino ng konsensiya, siya si Putim- ang puti at ang itim na konsensiya. Kung sino man ang hahayaang mong manaig sa iyong buhay ang kokontrol sa iyong buong pagkatao. Ikaw ang mamili. Hawak mo ang desisyon. Pagmasdan mo ang iyong sarili at ang takbo ng iyong isipan. Malalaman mo kung anong anino ang naghahari sa iyong utak. Huwag mong hayaan sa iyong kamalayan na maitanim at tumubo ang isang maitim na buto sa sulok ng iyong utak. Taga-dikta sa naguguluhang isip. Taga-utos sa mga maling desisyon. Taga-udyok sa navgdidilim na paningin. Taga-usig sa nagbabagang damdamin. Patunayan mo kay Putim na ikaw ang may hawak sa iyong pagkatao, isa lamang siyang kalaro ng chess upang libangin ka at magsilbing hamong kailangan mong harapin.
|