|
Hindi ako sabog. Hindi ako nakahithit ng katol o tumira ng kung anuman. Hindi ko lang talaga alam kung anong sumanib sa akin at naisipan kong magsulat sa Filipino.
Hindi naman siguro masama kung gagamitin ko ang sariling wika natin. Nakakapanibago lang siguro. Marahil naisip ko lang na mas maraming maipapahid ang utak ko kung itong wikang ito ang gagamitin ko. *** Natatawa ako sa sarili ko at ngayon lang ako nagsulat tungkol sa paksang ito. Parental guidance. Patnubay ng magulang. Lahat tayo marahil ay narinig na ang mga katagang iyan. Mula pagkabata, naririnig na natin iyan sa telebisyon sa bawat simula ng palabas. Lahat ng palabas ngayon, ‘yan ang rating sa MTRCB. Simple nga lang naman ang logic sa likod no’n. Dahil hindi matututukan ng MTRCB ang lahat ng palabas sa TV, ginawa na nila ang hakbang na ‘yon para siguraduhing nababantayan at nasasala ng mga magulang natin ang mga pinapanood natin. Magaling. Responsibilidad nga naman tayo ng mga magulang natin at tungkulin nilang patnubayan tayo. At kung hindi ka pa legal age, pwede ka nang maging 18 basta hindi ka mahuhuli ng mga mas nakaktanda sa ‘yo. Mga Pilipino nga naman. Tama man o hindi ang hakbang na ginawa ng MTRCB, iisa lang ibig sabihin no’n: malaki ang tiwala ng lipunan sa ating mga magulang upang patnubayan tayo. *** “I liked having my mom hold me. And my dad, when we got along...” – Rinoa Heartily *** Mula pagkabata, lumaki na ang karamihan sa atin sa poder ng ating mga magulang. Mangilan-ngilan lang marahil ang hindi kinagisnan ang pag aaruga ng kanilang magulang dahil sa iba’t-ibang mga dahilan. Pinakakaraniwan na siguro sa dahilang ito ang pangingibang bansa ng mga magulang. At malayo man sila, gumagawa pa rin sila ng paraan para lang tayo’y magabayan. Pero hindi maiiwasang may mga magulang na dikta na ang ginagawa. *** “Ayoko na!”, “Ang hirap mag aral...”, “Baka di ako pumasa sa quota...”. Ilan ‘yan sa mga katagang madalas kong marinig dito sa White & Blue office mula sa mga mag-aaral ng College of Nursing na patuloy kong binabansagang “University of Quota”. Kabisado na ng ilang staff ang itatakbo ng dialogue, susumbat ako ng “Mag-shift na kasi...” na sasagutin naman ng “Hindi pwede kuya e...” kung saan ibabanat ko ang aking paboritong linya: “Bakit ka kasi nagnursing?”. Alam ko na ang sagot sa tanong na ‘yan. Malamang sa hindi ang sagot diyan ay: “sabi po kasi ng parents ko...” at pag tatanungin sila kung bakit sila sumunod iisa lang ang dahilan: “sila po kasi ang nagpapaaral sa kin e...” Masaya man ako at nakapanutil ako sa mga tagpong ganun, hindi ko pa rin maiwasang manlumo at maawa sa mga staff na binara ko sa mga tagpong ‘yon. Naawa hindi dahil sa ginawa kong pang-aalaska kundi dahil sa ginawang pagdidikta ng kanilang mga magulang. *** “To bring up a child in the way he should go, travel that way yourself once in a while.” – Josh Billings *** Hindi ko na mabilang kung ilang beses nang naulit ang mga tagpong iyon. Pero sa bawat pagkakataon, hindi ko talaga maiwasang maawa sa mga kapwa ko mag-aaral at magpasalamat na hindi ganoon ang mga magulang ko. Hindi ako spoiled ngunit pinalaki ako ng mga magulang ko sa paraang kaya kong magdesisyon para sa sarili ko. Suportado nila ako sa bawat desisyon at nagpapasalamat ako sa ganon. Ako ang pumili ng kurso ko at kahit na parang araw-araw na ang mahal na araw sa kurso ko, masaya pa rin ako dahil ginagawa ko ang gusto ko at nariyan ang mga magulang ko para sabihin ang mga katagang “Ganyan talaga ang course mo. Pinili mo ‘yan e,” at “Kaya mo ‘yan. Basta gawin mo ‘yung kaya mo. Wag kang mapepressure,” kung nanghihina na ko ng loob. Masaya ako dahil ako ang pumili sa landas na tinatahak ko ngayon, para na ring sinabi ng isa naming staff na isa rin sa mga tinatawag kong “pilit” sa text: “iba pa rin pag bukal sa ‘yo kasi ‘yon talagang na e-enjoy mo.” Lumaki ako na marunong tumayo sa sarili kong mga paa. Ngunit alam ko pa ring tumanaw ng utang na loob sa mga nagpalaki sa akin. Dahil dito, alam kong tama ang pagpapalaki sa akin ng aking mga magulang. At gagawin ko ang lahat para masuklian ‘yon. *** Hindi ko pa rin mawari kung bakit may mga magulang na nagdedesisyon para sa kanilang mga anak. Kung hindi man sila ang magdedesisyon, papipiliin ka nila sa mga bagay na alam nilang ‘yung gusto rin nila ang pipiliin mo. Oo, alam nating may mga kilala tayong mga ganito at maunlad na sila sa kanilang buhay. Marami na akong kilalang ganyan. At alam ko na kahit na hindi ko man naranasan ang kanilang mga pinagdaanan, naapektuhan ako ng mga naramdaman nila. At sa pagsusulat ko tungkol sa paksang ito, sana man lang ay masabi nilang nakikiramay ako sa kanila. *** Alam kong kung makapangaral ako ay parang mayroon na akong sariling pamilya. At alam kong ang mga malalapit sa akin ay alam ang isusumbat ko d’yan: “No. Not in five years.” Ngunit sa mga naranasan ng mga nakapaligid sa akin at sa aking mga nakikita, alam kong may sapat na kong ideya para isulat ang column na ito. May mga magulang mang naapektuhan o wala, wala na akong pakialam. Ang mahalaga, naisulat ko kung ano ang matagal ko na dapat naisulat; kung ano ang kinimkim ko ng mahigit sa isang taon. Sa mga mag-aaral na naka-relate sa mga pinagsasasatsat ko rito, may quote ako para sa inyo: “Magtiwala kayo sa sarili niyo. Wag niyong hahayaang nakawin ng iba ang mga pangarap niyo.” At sa mga magulang namang nagtiyagang tumapos sa litanya ko: “Ang pagpapalaki ng anak ay parang pagsalok ng tubig gamit ang iyong mga kamay. Higpitan mo ng sobra ang iyong mga kamay at wala kang masasalok. Luwagan mo at makakatakas lahat. Ngunit subukan mong gawing parang tabo ang iyong mga kamay at makakasalok ka.” Tapos na ang aking pagdadaldal. Salamat sa mga nagtiyagang tumapos nito. Sa uulitin. *** Nagpapasalamat ako sa mga sumusunod: sa mga magulang ko na isa sa mga inspirasyon ng paksa, sa kapatid kong si AJ “kulit” , sa ate ko na di pa nagbo-blow-out, kay ‘her’ na nagsisilbing “anti-depressant” ko, salamat, 10001111; sa bestfriend nyang makulit rin (palibhasa Scorpio), sa bestfriend ko, sana mabasa mo, kay Madame Chinese (Evee), tara, resign na...haha; at sa mga hindi ko nabanggit ngunit nakatulong kahit papaano sa akin sa mga bagay-bagay na hindi ko napapansin. Agyamanac kenyayo. *** Comments:
This e-mail address is being protected from spam bots, you need JavaScript enabled to view it
Friendster:
This e-mail address is being protected from spam bots, you need JavaScript enabled to view it
/ryuu5636
|